Ipinag-utos na ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda ang activation sa National Command Center nito.
Ang National Command Center ay inaasahang tutulungan sa management ng mga electric cooperative sa buong bansa, at mga proyekto ng mga ito.
Ayon kay Almeda, ang naturang inisyatiba ay tutulong sa NEA sa pag-monitor sa kondisyon ng mga electric cooperative, estado ng kani-kanilnag mga proyekto, at kung may mga insidente o posibilidad ng power interruptions.
Sa pamamagitan din nito ay mamomonitor ng ahensiya ang financial capacity ng mga kooperatiba para matiyak ang tamang tracking ng mga financial operations ng mga ito.
Ang National Command Center ay sinimulang buuin noong 2022 kasabay ng pagnanais ng ahensiya noon na magtayo ng digital communications technology framework na makakatulong para sa real-time monitoring at data-driven intervention sa mga pangunahing problema sa kuryente sa ground level.
Ayon kay Almeda, mahalaga ang naturang command center para sa tuloy-tuloy na monitoring sa 121 electric cooperatives sa buong bansa, kasama na ang mga komyunidad na kanilang pinagsisilbihan.