Pinayuhan ng National Electrification Administration(NEA) ang mga electric cooperative(EC) na bantayan ang epekto ng bagyong Gener sa mga power utilities sa bansa.
Ngayong araw ay naglabas na ng abiso ang NEA para sa mga EC at pinayuhan ang mga ito na i-activate na ang kanilang mga Emergency Response Organization(ERO) at bumuo na ng akmang emergency response plan.
Pinapabantayan din ng ahensiya ang impact at banta ng bagyo sa mga power distribution facilities na maaaring maka-apekto sa power supply tungo sa mga konsyumer.
Maliban dito, pinapatiyak din ng ahensiya na mayroong sapat na mga kagamitan at mga buffer stock na maaaring gamitin sa mga emergency situation hanggang sa restoration ng power supply.
Pinasumite naman ng NEA ang mga EC ng kanilang power situation report hanggang kahapon kasabay ng napipintong pananalasa ng bagyo na nasa bisinidad na ng Pilipinas.
Paalala ng NEA sa mga cooperative management, dapat ding agad maibalik ang power supply sa mga lugar na hindi naman naapektuhan ng bagyo ngunit dating naputulan ng supply bilang pagprotekta sa kaligtasan ng mag konsyumer.
Maalalang sa naging pananalasa ng bagyong Enteng sa Pilipinas ay nagtamo ang power sector ng hanggang P4.23 milion na halaga ng pinsala at libo-libong mga konsyumer ang nawalan ng power supply.