Nais ng National Electrification Administration (NEA) na maserbisyuhan ang lahat ng household o mga kabahayan sa buong bansa bago matapos ang 2028.
Muling pinangunahan ng NEA ang pulong sa ilalim ng Local Total Electrification Roadmap (LTER) upang ma-update ang naturang target.
Kabuuang 151 kinatawan mula sa iba’t-ibang mga electric cooperative sa bansa ang dumalo upang talakayin ang naturang plano, at tukuyin ang mga maaari pang gawing inisyatiba upang maabot ang target.
Ayon sa NEA, nais nitong matulungan ang mga electric cooperative na abutin ang mga malalayong lugar upang lahat ng mga kabahayan ay magkaroon ng supply ng kuryente bago matapos ang 2028.
Kabilang din sa tinalakay ng mga ito ay ang pagbuo ng bagong istratehiya at kolaborasyon para sa pagpapalawak sa power service. sa ilalim ng franchise area ng bawat kooperatiba nang walang napapag-iwanang mga komunidad.
Ang 100% electrification target ay isa sa mga prayoridad ng kasalukuyang administrasyon.
Tiniyak naman ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda na bagaman isa itong malaking hamon ay makakaya itong abutin sa tulong ng mga electric cooperative at pamahalaan.
Ayon kay Almeda, nais ng NEA na maserbisyuhan ang lahat ng mga Pilipino at magkaroon ang mga ito ng maayos at kalidad na electrisidad.