-- Advertisements --

Muling inalerto ng National Electrification Administration ang mga electric cooperative na may saklaw sa mga lugar na maaaring daanan ng bagyong Marce.

Ayon sa NEA, maaari nang simulan ng mga EC ang preparasyon upang mapagaan ang epekto ng bagyong Marce sa power sector.

Pinapa-activate din ng ahensiya ang Emergency Response Organization ng bawat EC upang maagap ang implementasyon ng mga emergency response plan bilang tugon sa banta ng bagyo.

Payo ng NEA sa mga EC, dapat ay nakahanda palagi ang mga buffer stock na magagamit para sa mga serye ng power restoration upang agad na maibabalik ang supply ng kuryente sa mga lugar na maaaring labis na maapektuhan sa pananalasa ng naturang bagyo.

Kasabay nito ay inaatasan ng NEA ang bawat EC na magsumite ng napapanahong damage at situation report sa bawat nasasakupang lugar.

Sa pananalasa ng bagyong Kristine una nang iniulat ng NEA na mahigit P70 Million ang halaga ng pinsalang tinamo ng power sector habang wala pang final damage assessment na inilalabas kasunod ng epekto ng bagyong Leon.