Naglabas na ng guidelines ang National Electrification Administration na susundin ng mga opisyal at empleyado nitong kakandidato sa nalalapit na halalan.
Ito ay kalakip ng memorandum na pinirmahan ni NEA administrator Antonio Mariano Almeda na nagbibigay paalala at gabay sa mga empleyado at mga opisyal ng ahensiya.
Nakasaad dito na lahat ng EC officials at employees na magsusumite ng certificate of candidacy (COC) para sa May 12 national at local election ay ituturing o otomatikong nagbitiw na sa kanilang tungkulin.
Parehong tuntunin din ang susundin sa parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao (BARMM)
Pero kung ang isang EC official o employee ay kakandidato sa isang partylist group, hindi ito ituturing na on-leave o nagbibitiw basta’t nominado ang mga ito ng organisasyon o ng member consumer – owners.
Ang guidelines ay ibinase sa mga probisyon ng RA 10531 o NEA Reform Act of 2013.