Pinapatiyak ng National Electrification Administration(NEA) sa mga electric cooperative na mabantayan ang power sector mula sa epekto ng bagyong Querubin na nakaka-apekto sa ilang lugar sa Mindanao at Visayas.
Naglabas ang NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD) ng advisory para sa lahat ng mga EC sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo kung saan inabisuhan nito ang mga kooperatiba na agad magsagawa ng akmang tugon sa anumang epekto ng bagyo sa power sector.
Kinabibilangan ito ng pag-activate sa Emergency Response Organization(ERO) ng bawat EC at ang patuloy na pag-monitor sa sitwasyon sa kani-kanilang area of operation.
Pinapatiyak din ng NEA na may sapat na material o buffer stock na nakahandang magamit para sa agarang power restoration, sa sandaling maaari na itong isagawa.
Kasabay nito ay pinapasumite naman ang bawat EC ng damage at situation report ukol sa epekto ng bagyo sa mga power facilities, transmission lines, atbpa.
Kasama rin sa report ang mga isasagawang partial at complete power service restoration.