-- Advertisements --

Target ng National Electrification Administration (NEA) na maabot ang 94% energization rate sa mga malalayong kabahayan ngayong 2025.

Ito ay sa pakikipagtulungan ng lahat ng mga electric cooperatives (EC) sa buong bansa.

Ayon kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, sa kabila ng limitadong budget ay umaasa ang ahensiya na maabot ang mga malalayong kabahayan upang mailapit ang power service.

Dito ay prayoridad pa rin ang mga kabahayan sa Mindanao na matagal nang humihiling na malagyan ng suplay o koneksyon ng kuryente.

Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), mayroong P1.627 billion na government subsidy ang NEA para makabitan ng kuryente ang 22,000 kabahayan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Maliban dito, mayroon ding karagdagang P200 million na pondo para sa Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF).

Naglaan din ang administrasyong Marcos ng dalawang bilyong piso para sa nagpapatuloy na Photovoltaic Mainstreaming (PVM), Sitio Electrification, at Barangay Line Enhancement Programs ng NEA sa ilalim ng pambansang pondo.

Ayon kay Almeda, bagamat malaking hamon ang budget sa implementasyon ng malalaking proyekto, tinitiyak nitong ipupursige ng NEA ang mga proyektong magbibigay ng sapat na pailaw at power service sa mga kabahayan sa buong bansa.

Target ng ahensiya na maabot ang total electrification pagsapit ng 2028.