-- Advertisements --


Nagbalik-tanaw ang mga kaibigan at kasamahan sa Kamara ng yumaong dating Speaker Prospero Nograles sa mga alaala at mga naiambag nito sa bansa.

Sa kanilang eulogy sa necrological service na inihanda ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong araw, isa-isang nagpasalamat kay Nograles sina House Speaker Gloria Arroyo at dating Speaker Feliciano Belmonte, gayundin sina dating Congressmen Neptali Gonzales II at Boying Remulla, dating Sen. Alan Peter Cayetano, at dating Sec. General Marilyn Yap.

Sa kanyang eulogy, sinariwa ni Speaker Arroyo ang mahigit 50 taong pagkakaibigan nila ni Nograles.

Pumanaw man aniya si Nograles, tumulong naman daw ito para gawing “wonderful” ang mundo gaya ng paborito nitong awitin na “What A Wonderful World” sa pamamagitan ng kanyang mga kontribusyon sa lipunan nang siya ay nabubuhay pa.

Ang legasiyang ito ni Nograles, ayon naman kay Belmonte, ay kailanman hindi makakalimutan.

Hindi naman maiwasan ni Gonzales na maging emosyunal sa huli ng kanyang eulogy para sa namapayang kaibigan, na kanyang senior sa fraternity.

Sinabi pa nito sa malambing na paraan na kilala si Nograles na mayabang pero “super mabait.”

Inihayag naman ni Yap ang pagiging mabuting lider, maalalahanin sa mga kawani ng Kamara at mga pagbabago sa pasilidad at institutional reforms ni Nograles.