Kabilang si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at kaniyang staff sa na-trap sa loob ng elevator ng halos 2 oras sa isang gusali sa Mandaluyong city.
Nangyari ang insidente habang patungo ang NEDA chief para lumagda sa Implementing Rules and Regulations ng Public Private Partnership (PPP) Code sa tanggapan ng NEDA sa ika-34 na palapag nang magkaaberya ang elevator.
Aabot sa 10 katao kabilang ang NEDA chief ang nasa elevator nang tumigil ito sa may ika-19 na palapag.
Nagawa namang makalabas ng na-trap na opisyal kasama ang kaniyang staff sa pamamagitan ng pagdaan sa maliit na butas sa 19th floor.
Sinabi naman ng kalihim na napaka-memorable ng nangyaring ito sa kaniya. Ito na rin aniya ang pinakamahabang elevator ride sa buong buhay niya na natrap ng isang oras at 40 minuto.
Nagpasalamat din ang opisyal dahil ligtas silang lahat.