Nakatakdang talakayin ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ibang paraan para mapababa ang tumataas na presyo ng bigas sa halip na magpataw ng price cap.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balizacan, ang ipinapataw na price cap sa regular at well-milled rice ng Pangulo ay pansamantala lamang at iginiit na kailangan ng pamahalaan na humanap ng mas magandang opsiyon.
Para kay Balisacan, ang pagtapyas ng taripa sa mga inaangkat na bigas ay makakatulong upang mapigilan ang pagsipa ng presyo sa bigas.
Una ng ipinanukala ng economic managers ang pagbawas sa kasalukuyang 35% na rice import tariff rates sa 0% hanggang 10% para sa ASEAN at most-favored nation (MEN).
Binigyang diin pa ni Sec. Balisacan ang pangangailangang ikonsidera ang pagbabawas ng taripa kapag sumipa ang presyo sa pandaigdigang merkado upang maiwasan ang adverse impact nito sa retail, wholesale at farmgate prices.
Kung kayat sa ngayon ayon kay Balisacan, maigting nilang minomonitor ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado at ang export volumes ng mga malalaking rice-exporting countries.
Inihalimbawa ni Balisacan ang restriksiyon kamakailan ng India sa rice ecxports at external pressures mula sa Vietnam at Thailand na nakaambag sa pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado gayundin ang epekto ng El Nino.