Nakatakdang magsumite ng report ang National Economic Development Authority (NEDA) kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. ukol sa ginawang pag-aaral sa epekto ng mas mababang taripa ng bigas.
Maaalalang nagdesisyon ang Marcos administration na ibaba ang taripa para sa mga imported na bigas mula sa 35% tungo sa 15%, sa ilalim ng Executive Order No. 62.
Sa ilalim nito ay naatasan ang NEDA na magsagawa ng review o pag-aaral sa epekto nito at isumite ang resulta ng ginawang pag-aaral.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, isinasapinal na ang report at nakatakdang isumite sa Office of the President anumang oras.
Bagaman tumangi ang kalihim na ilahad ang nilalaman ng naturang report, sinabi niyang nakapaloob dito ang kasalukuyang larawan ng rice industry ng Pilipinas at iba pang usapin.
Ayon kay Balisacan, nananatiling naka-pokus ang pamahalaan sa hangarin nitong mapagbuti ang presyo ng pagkain, sa kabila ng epekto ng mga magkakasunod na kalamidad, pagbaba ng halaga ng piso, atbpa.
Maaalalang ilang mga kritiko ang kumuwestyon sa naturang executive order dahil sa ilang kadahilanan tulad ng hindi nito pagdaan sa tamang proseso bago nilagdaan, at hindi umano makakatulong para mapagbuti ang rice industry ng bansa.