-- Advertisements --

Aminado ang National Economic and Development Authority (NEDA) na magiging “crucial” ang epektibong pamamahala sa mga risks na dulot ng COVID-19 pandemic para pagandahin pa ang employment sa bansa.

Lumobo kasi ang unemployment rate sa Pilipinas nung simulan noong 2020 ang mahigpit na lockdown dulot ng pandemic. Ngayong taon naman ay muling nagpatupad ng isa pang lockdown dahil sa pagsirit ng naitatalalng kaso ng deadly virus.

Naging limitado ang paggalaw ng bawat isa pero ilang negosyo rin ang pinayagan na magbalik-operasyon upang pagaanin ang epekto ng COVID-19 sa employment.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, dahil sa risks na dulot ng COVID-19 pandemic at iba pang economic shocks ay magiging crucial ang patuloy na pag-improve ng labor market conditions.

Sa kabila nito ay ipinagmalaki naman ni Chua na muling naibalik ang mga trabahong nawala noong lockdown at mas marami pang oportunidad ang alok ng pamahalaan.

Subalit ayon sa Asian Development Bank (ADB) kahit pa unti-unti nang nakakabawi ang employment ng bansa sa pre-pandemic level nito, ang mga trabahong alok naman sa mga Pilipino ay masyadong mababa ang kalidad.

Kung pagbabatayan daw kasi ang survey na isinagawa ng World Bank tungkol sa impact ng COVID-19 sa mga negosyo at kabahayan, malinaw na makikita na kailangan pang i-improve ang labor ng market ng bansa.

May mga empleyado umano na nararamdamang ligtas ang kanilang working environment mula sa banta ng deadly virus, habang may mga negosyo naman na napilitang magsara dahil sa pandemya.

Nasa 8.8 percent ang unemplyment rate sa Pilipinas noong Pebrero, katumbas ito ng 4.2 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho.

Sinabi pa ni Chua na maaari pang makontrol ang epekto ng COVID-19 sa mga hanapbuhay sa pamamagitan ng 3-pronged strategy, kabilang na rito ang ligtas na pagbubukas ng ekonomiya habang nasusunod ang public health protocols.

Gayundin ang pagpapatupad ng recovery package at implementasyon ng vaccine program.

“All of us in government, the private sector, and the whole country need to rally behind the goal of safely reopening the economy. We will use transparent and credible data support to make all these important decisions,” wika ni Chua.

Naglaan ang gobyerno ng P2.75 trillion o 15.4 percent ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa recovery package nito. Dinesensyo rin ang 2021 budget para mapagatagumpayan ang economic recovery.

Nagtakda naman ang pamahalaan ng 7.5 percent growth ngayong taon, mas mataas ito kumpara sa forecast ng ADB na halos 4.5 percent.