Tiniyak ng NEDA na patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na matugunan at matiyak ang seguridad sa pagkain sa gitna ng mas mabilis na inflation at banta ng La Niña.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, kabilang sa mga inilatag na intervention ng pamahalaan ay ang programa ng Department of Agriculture na Rice for All na inilunsad nitong August 1, upang maibsan ang pasanin ng publiko sa mahal na presyo ng bigas.
Bilang paghahanda sa La Niña, tiniyak rin ng DA na merong available na quick response fund, assistance, credit, at seed buffer stock.
Minadali na rin ng ahensya ang pagsasagawa ng declogging sa mga farm drainage system at ang pagpapatayo ng mga water impounding project at post-harvest facilities.
Upang matulungan naman ang mga magsasaka sa mataas na presyo ng gasolina, magbibigay ang DA ng humigit-kumulang P510 milyon na fuel subsidy para sa crop, livestock at poultry farmers.
Inaasahang aabot sa 160,000 na mga magsasaka ang makikinabang sa 3,000 pesos na fuel assistance ngayong Agosto at Setyembre.
Nabatid na bumilis sa 4.4% ang inflation rate ng bansa nitong buwan ng Hulyo, mula sa 3.7 noong Hunyo.