-- Advertisements --

Handang sabayan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang muling pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng implementasyon ng recovery package.

Sa naging press conference ngayong araw ng NEDA kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA) upang talakayin ang gross domestic product (GDP) sa unang quarter ng 2021, inihayag ni Socioeconomic planning Secretary Karl Kendrick Chua na mayroong P2.76 trillion o 15.4 percent ng GDP fiscal, monetary at financial resources ang inilaan para sa naturang proyekto.

Kasama sa fiscal package ang tatlong budget na sabay-sabay na ipinatutupad; ito ay ang Bayanihan 2, General Appropriations Act (GAA) of 2020, at General Appropriations Act of 2021. Kabilang na rin dito ang CREATE law na nagbibigay ng tax deductions sa mga maliliit at malalaking negosyo, gayundin para sa targeted incentives ng mga investors.

Ginamit din aniya ng pamahalaan ang fiscal savings sa pagpapatupad ng P22.9-billion social amelioration program (SAP) para sa halos 23 milyong indibidwal sa NCR Plus area.

Sa ngayon ay hinihikayat ng ahensya ang Kongreso na ipasa ang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery o GUIDE bill.

Magiging daan umano ito para gabayan ang rehabilitasyon ng mahahalagang kumpanya na nakararanas ng solvency issues o financial obligations.

“This will assist in the rehabilitation of strategically important companies experiencing solvency issues. GUIDE will also complement the Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act, which helps the financial sector dispose of non-performing assets and loans to enable them to serve more small businesses,” pahayag pa ni Chua.