Buo ang tiwala ng dating Presidential Anti-Corruption (PACC) Chairman and Pilipino Tayo movement lead convenor na si Greco Belgica na malaki ang maitutulong ng Constitutional Convention upang maresolba ang negatibong epekto ng depektibong konstitusyon.
Dahil dito, umaasa si Belgica na isa ito sa tatalakayin ng pangulo sa kanyang ikatlong SONA sa Hulyo 22, araw ng Lunes.
Ginawa ng Pilipino Tayo movement lead convenor ang naturang pahayag, matapos ang inilabas na resulta ng Pulse Asia Research na kung saan, lumalabas na limang porsyento ng mga naging respondents ay naniniwala na kailangang pag-usapan ang Charter Change sa kanyang nalalapit na Ulat sa bayan ng pangulo.
Batay sa resulta ng survey, ang pagpapabuti ng pambansang ekonomiya at paglikha ng mas maraming trabaho at livelihood opportunities ang mga pangunahing isyu na nais ng publiko na talakayin ng Pangulo sa kanyang SONA.
Sinundan naman ito ng mga usapin na may kinalaman sa mga hakbang na dapat gawin upang mapigilan ang paglusob ng mga dayuhan sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea, paglaban sa graft and corruption sa gobyerno, pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa, pagpuksa sa problema sa ilegal na droga, pagpapabuti ng sistema ng edukasyon, kapayapaan sa bansa, pagpapanumbalik ng pagkakaisa sa mga pambansang opisyal, at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Paliwanag naman ni Belgica na ang survey ay nagpapakita ng pangangailangan para sa Pangulong Marcos na linawin ang kanyang posisyon sa federalism, Charter Change, at isang Constitutional Convention, at isang mas malakas na kampanya ng impormasyon tungkol sa epekto ng Konstitusyon sa ekonomiya.
Dagdag pa nito na ang Constitution ang nagbigay ng kapangyarihan sa gobyerno na manghimasok, guluhin, at alisan ang mga mamamayan nito ng kanilang kalayaan sa buhay, lupa, mga oportunidad sa ekonomiya, negosyo, seguridad, at pagpapasya sa sarili.
Hindi naman ikinagulat ni dating under secretary ng Anti-Red Tape Authority BGen. Carlos Quita ang resulta ng survey .
Aniya, sanhi ito ng mahinang paghawak ng kasalukuyang administrasyon sa mga isyung panlipunan, pang-ekonomiya, pampulitika, at pamamahala.
Samantala, sinabi ni dating Presidential Adviser for Religious Affairs (OPARA) Dr. Grepor “Butch” Belgica na ang Pilipinas ay walang Konstitusyon “gawang Pilipino, para sa mga Pilipino.”
Sinabi rin ni Atty. Eduardo Bringas, dating ARTA undersecretary, na ang mga umano’y lapse sa Konstitusyon ay tinutugunan lamang gamit ang mga band-aid solutions.
Iginiit naman ni Former Lucban Mayor Oli na malaki ang papel na gagampanan ng publiko sa pag-amyenda ng Konstitusyon
Ang Pilipino Tayo movement ay nananawagan sa gobyerno para sa isang Constitutional Convention at aktibong nakikipagpulong sa ilan sa mga pinakarespetadong pinuno, kinikilalang mga eksperto at intelektwal mula sa iba’t ibang industriya, at mga opisyal ng LGU para talakayin ang inisyatiba.
Plano rin ng grupo na magsagawa ng mga Constitutional Convention na lalahukan ng mga kinatawan mula sa lahat ng sektor at lalawigan sa bansa para gumawa ng panukalang Konstitusyon na mas makakatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa.
Ang panukalang Konstitusyon ay isusumite sa mga awtoridad at ihaharap sa mga tao.
Nag-alok na rin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na gawin ang Constitutional Convention sa Cordillera Autonomous Region (CAR) bilang suporta sa grupo at sa panawagan nito.
Ang Pilipino Tayo ay isang grupo na itinatag ni dating PACC Chairman Greco Belgica, MNSA, Gen. Carlos Quita (Ret.), Atty. Eduardo Bringas, dating Senador Gringo Honasan, Gen. Atty. Fortunato Guerero (Ret.), Bishop Butch Belgica, Bishop Reuben Abante, Dr. Dennis Reyes, Prof. Froilan Calilung, at dating Congressman at Kalihim Mike Defensor.