-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi na kailangan ang negative COVID-19 test result sa mga fully-vaccinated na mga turistang tutungo ng Baguio City.

Kasunod ito ng pagpayag ng lokal na pamahalaan ng Baguio na vaccination card o vaccination certificate na lamang ang ipakita ng mga fully-vaccinated tourists sa mga border checkpoints at sa pagpapaluwag ng national government sa mga travel protocols para sa mga full-vaccinated na mga mamamayan.

Gayunman, kinakailangan pa rin ng mga fully-vaccinated travelers na magrehistro muna sa visita.baguio.gov.ph para makakuha ng QR-Coded Tourist Pass at dadaan ng mandatory triage pagdating nila ng Baguio.

Sinabi naman ni Department of Tourism Secretary Bernadette Puyat na ang Baguio City ang natatanging LGU na pumayag na maging alternatibo ng negative RT-PCR test result ang vaccine certificates o vaccine cards matapos mabakunahan laban sa COVID-19 ang halos kalahati o 40% ng populasyon nito.

Epektibo kahapon ang bagong travel protocols ng Baguio City kung saan tinatanggap na ang full-dose vaccination card o certificate bilang alternatibo ng negative COVID-19 test result.

Samantala, aabot sa 20 na mga business establishments sa lungsod ang nagbibigay na ng product discount o kaya ay freebie sa kanilang mga kliyente na fully-vaccinated na laban sa COVID-19.

Bahagi anila ito ng kanilang community social responsibility programs kung saan kinakailangan lamang na ipakita ng mga fully-vaccinated clients ang COVID-19 vaccination card o Vaccination QR Code tuwing mag-aavail ang mga ito ng mga produkto at serbisyo.