KALIBO, Aklan — Kahit na fully vaccinated na laban sa COVID-19, obligado pa rin ang mga turistang gustong magbakasyon sa Boracay na magpakita ng negatibong RT-PCR tests result bago makapasok sa isla.
Ito ay kasunod ng anunsyo ng Inter-Agency Task Force na maaari nang gamitin ang vaccination card kahit saan mang destinasyon.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na batay sa kanilang karanasan, kung nagagawa umanong ipeke ng ibang turista ang kanilang RT-PCR tests results, ang mga vaccination cards pa kaya na madaling ma-tamper at maaring makuha sa mga vaccination sites.
Dagdag pa nito patuloy nilang hahanapan ng swab result ang mga turista hanggang wala pang uniform vaccination card validating system.
Sinabi aniya ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na may ginagawa nang cryptocode system ang Department of Information and Communications Technology at contact tracing czar Mayor Benjamin Magalong na malaking tulong para sa mas mabilis na pagberipika ng mga vaccination cards.