NEGROS ORIENTAL – Humiling ngayon ang Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO) ng karagdagang augmented personnel mula sa Police Regional Office-7 para sa nalalapit na National and Local Elections.
Inihayag ni NOPPO spokesperson PLt Stephen Polinar na sa buong lalawigan ng Negros Oriental, nagpapakalat sila ng humigit-kumulang 1,347 na epektibo at deployable personnel.
Gayunpaman, aminado pa si Polinar na hindi sapat ang naturang bilang kaya naman mangangailangan pa sila ng karagdagang tauhan mula sa regional office para mag-secure sa halalan.
Aniya, sa kasalukuyan kasi ay nasa ilalim pa rin sila sa Police Regional Office-7 ngunit hinihintay pa nila ang activation ng Police Regional Office – Negros Island Region.
Matatandaan na una nang ibinunyag ni Police Regional Office-7 Director PBGen Redrico Maranan na sa 16 na election areas of concern sa Central Visayas na binabantayan ng pulisya, 14 ang mula sa Negros Oriental.
Samantala, sa panig ng Commission on Elections, sinabi ni NIR Regional Election Director Atty. Lionel Marco Castillano na tuloy pa rin ang halalan kahit pa man isailalim sa Alert level 4 ang bulkang Kanlaon.
Binigyang-diin pa ni Castillano na dapat hindi na ito i-postpone dahil maaapektuhan pa ang resulta ng botohan.
Batay sa datus, nasa 979,227 ang mga rehistradong botante mula sa 25 lungsod at bayan ng Negros Oriental.