Nasa final stage na raw ang negosasyon para sa pagbili ng bansa sa 20 million doses ng Russian-made Sputnik V coronavirus vaccine.
Ginawa ni Russian Federation Ambassador to the Philippines Marat Pavlov ang pahayag sa isinagawang Vaccine Summit na inorganisa ng iba’t ibang businees chambers sa Pilipinas.
Batay sa reports mula Russia Direct Investment Fund, umaasa umano si Pavlov na kaagad matatapos ang negosasyong sa oras na dumating na sa bansa ngayong araw ang unang batch ng 150,000 doses Sputnik V vaccines.
Russia ang ikalawang vaccine-manufacturing country na nangakong magbibigay ng bakuna sa Pilipinas. Kasunod ito ng China na una nang nagpadala ng tatlong milyong doses ng Sinovac CoronaVac vaccines mula noong Pebrero 28.
Kinumpirma rin ng Russian envoy na nakakuha na ang kanilang bakuna ng emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) dahil sa mataas na efficacy rate nito na 97 percent.
Ipinagmalaki rin ni Pavlov ang teknolohiyang ginagamit ng Russia sa paggawa ng Sputnik V na mahigit 40 taon na raw na ginagamit ng bansa para sa paggawa ng mga gamot at bakuna.
Wala rin aniyang adverse side effect na mararanasan ang sinumang tuturukan ng naturang bakuna.
Sa oras na maging tagumpay ang delivery ng unang batch, tiniyak ni Pavlov na unti-unting dadami ang volume ng delivery pagdating ng mga susunod na buwan.
“I’d like to emphasize that Russia will continue to support in assisting the government of the Philippines in its national goals related to public health,” saad ni Pavlov.