Isiniwalat ni dating two-division UFC world champion Conor McGregor na nasa advanced stage na raw ng negosasyon ang kanyang kampo para sa potensyal na pagtutuos nila ni Sen. Manny Pacquiao.
Ayon kay McGregor, malaki aniya ang tsansa na mangyari ang laban ngayong taon ngunit wala pa itong eksaktong petsa at venue.
“I know the talks are intensifying for [a fight] this year. I am excited for a Manny Pacquiao bout and it looks like it will take place this year. What time this year, I am not sure,” wika ni McGregor.
Pero sa ngayon, nakatuon daw muna ang atensyon ng Irish mixed martial arts superstar sa nakatakda nitong rematch kay dating UFC interim lightweight champion Dustin Poirier sa main event ng UFC 257 sa Enero 24 sa Abu Dhabi.
Sinabi pa ni McGregor, pagkatapos daw ng naturang laban ay plano nitong makipagpulong kay UFC president Dana White kaugnay sa kanyang kagustuhan na tumapak muli sa loob ng boxing ring at maging world champion bago ito tuluyang magretiro.
“We’ll have to have some good discussions with Dana White and the UFC and see where it goes. What’s there what do we want,” ani McGregor.
“I am open to it all, ready for it all. I will certainly attain a boxing world title before I call it a day and I would be excited to do that against Emmanuel Pacquiao.”