-- Advertisements --

Pinabibilisan ngayon ng China ang mga negosasyon kaugnay sa code of conduct sa pinagtatalunang South China Sea.

Naudlot kasi ang pagtalakay ng mga Chinese diplomats at ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) para sa code of conduct bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, umaasa ang Beijing na magdodoble kayod ang lahat ng panig para bilisan ang mga pag-uusap sa flexible at praktikal na pamamaraan.

“China hopes that all parties will work harder to speed up the negotiation in a flexible and pragmatic way,” wika ni Huang.

Noong 2018 nang magkasundo ang ASEAN at China sa isang draft na magiging basehan ng code of conduct (COC) sa South China Sea.

Mayroon namang tatlong taon ang magkabilang partido na isapinal ang dokumento, na matatapos na sa susunod na taon.

Sa ngayon ay nakumpleto na ang first reading ng Single Draft COC Negotiating Text (SDNT), ngunit nahinto naman ang pagtalakay sa ikalawang pagbasa ng dokumento dahil sa pandemya.

Kaya naman, sinabi ni Huang na iminumungkahi ngayon ng Beijing na magsagawa ng consultations sa China sa oras na umayos na ang sitwasyon.

“The pandemic has temporarily delayed the consultation process, but China, the Philippines, as the coordinator of China-ASEAN relations, and other ASEAN countries have been maintaining communication on resuming the COC consultation. Not long ago, an working level online meeting was held successfully,” ani Huang.

Maliban sa Tsina, claimant din ng mga isla sa South China Sea ang mayorya ng ASEAN member sa pangunguna ng Pilipinas, Malaysia, Vietnam at Brunei.

Iginiit din ni Huang na ang pag-uusap ang umano’y tamang landas para maresolba ang mga gusot.

“That is most in line with the interests of the countries in the region, and maintaining peace and stability in the South China Sea is our common task and aspiration,” anang envoy.

“We should avoid misjudgment caused by unilateral actions that would complicate the situation in the disputed waters.”