-- Advertisements --

Tuloy ngayon ang mga negosasyon para sa nilulutong blockbuster heavyweight title unification fight sa pagitan ng mga kampeon na sina Tyson Fury at Anthony Joshua.

Nakikipag-usap na raw ang kinatawan ng magkabilang panig sa mga bansang interesado na i-host ang boxing showdown upang linawin kung magkano ang posibleng kitain ng naturang banggaan.

Pero ayon sa promoter ni Joshua na si Eddie Hearn, tinatalakay na raw nila ngayon kung paano mangyayari ang mga laban para sa lahat ng mga heavyweight belts.

Ilan sa mga naghayag ng kanilang interes ang Saudi Arabia, na siya ring nag-host ng rematch win ni Joshua kontra kay Andy Ruiz Jr noong Disyembre.

Nakatakda sanang harapin muli ni Fury si Deontay Wilder para sa isang trilogy ngunit ipinagpaliban ito dahil sa coronavirus pandemic.

Maraming mga boxing fans ang interesadong makapanood ng unification bout sa pagitan nina Fury, Wilder at Joshua, ngunit hindi pa ito nangyayari dahil sa ilang mga rason.

Sinasabing wala pang undisputed heavyweight champion ang puwedeng pumalit sa trono ni Lennox Lewis.

Tingin ng mga tagapagmasid, sakaling hindi harapin ni Fury si Wilder – na sumailalim sa biceps surgery kanakailan – ay posibleng si Joshua na ang humalili sa kanyang puwesto.

Sa panig naman ni Joshua, dati na itong naka-schedule na harapin ang kanyang mandatory challenger na si Kubrat Pulev sa Hunyo, ngunit kanselado na dahil sa banta ng coronavirus.