LEGAZPI CITY – Hindi na nakapalag ang isang negosyante nang posasan ng mga operatiba ng Land Transportation Office-Bicol (LTO) at kapulisan sa entrapment operation na isinagawa sa harap mismo ng LTO office sa Diversion Road, Brgy. Cabid-an, East District, Sorsogon City.
Una rito, nakipagkita si Sabrina Escarda, 46, sa LTO Patrol Officer na si Joshua John Sanchez, 26, upang iabot ang perang “padulas” umano sa pagpapadali ng pag-release ng van at driver’s license ng negosyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO Sorsogon chief Grace Rojas, nabatid na na-impound ang naturang van at kinumpiska ang lisensya ng driver dahil sa franchise-related violations.
Agad namang pinaaksyunan ni LTO Bicol asst. regional director Vincent Nato ang impormasyon kung saan matagumpay na naaresto si Escarda.
Kasamang nakumpiska ang suhol na nagkakahalaga ng P65,000 na ibinalot pa sa baby wipes at kaha ng sigarilyo kapalit ng tatlong driver’s license at tatlong plaka ng hinuling colorum vans.
Umaasa si Rojas na sa pamamagitan nito, ma-boost ang morale ng iba pang LTO enforcers habang tuloy rin ang asuntong kakaharapin ni Escarda.