TACLOBAN CITY – Binaril-patay ang isang negosyante sa harap ng isang sabungan sa Maharlika Highway, Brgy. Magay, Tanauan, Leyte .
Kinilala ang biktima na si Mateo Perez alyas Bong, 53, may asawa, businessman at residente ng Brgy. Malaguicay, Tanauan, Leyte.
Habang hindi naman nakilala ang mga suspek na agad tumakas sakay ng motorsiklo matapos gawin ang krimen.
Ayon kay Maj. Margarito Salano, tagapagsalita ng Leyte Police Provincial Office, nag-park ng biktima ang kanyang sasakyan sa gilid ng kalsada at naglakad patungo sa sabungan ng bigla na lang may huminto na motorsiklo sakay ang dalawang lalaki at agad siyang pinagbabaril.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang biktima dahilan ang agarang pagkamatay nito.
Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre .45 baril.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan ng Tanauan MPS sa mga kalapit na istasyon ng pulis para sa agarang paghuli sa mga suspek.