BAGUIO CITY – Arestado ang isang negosyante dahil sa tangkang pagpuslit nito ng iligal na droga at mga drug paraphernalia sa loob ng Buguias District Jail sa Buguias, Benguet.
Nakilala itong si Jema Dino Aguinao alyas Jema Aguinao Cudlas, 25-anyos, tubong Tinoc, Ifugao at residente ng Abatan, Buguias kung saan kinilala itong newly-identified drug personality ng mga otoridad.
Batay sa report ng Buguias Municipal Police Station, bibisitahin sana ni Aguinao ang bilanggong si Marvin Cudlas na isang high-value individual at nakakulong dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
Gayunman, nadiskubreng may dalang iligal na droga at drug paraphernalia ang dalaga nang isailalim sa inspeksiyon ang mga dala nito.
Nagresulta ito sa pagkumpiska kay Aguinao ng isang pekete ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 1.26 grams at halagang aabot sa P11,000.
Nakumpiska pa mula dito ang tatlong rolled aluminum foil, tig-isang lighter at plastic straw at isang transparent plastic cellophane na naglalaman ng pinaniniwalaang dried marijuana leaves na tinatayang may bigat na 3.76 grams at halagang P451.
Ayon sa jail guard na si SJO1 Marjorie Bigwel, itinago ni Aguinao ang mga kontrabando sa dala nitong loaf bread.
Sa ngayon, nakakulong na ang dalaga na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.