Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DoJ) ang isang negosyante sa Pangasinan dahil sa bilyong pisong halaga ng buwis na hindi nito nabayaran.
Pagmamay-ari ng negosyanteng si Danilo de Quintos Calugay, ang Lucky DC Builders and Construction Supplies, Lucky DC Convinience Store at Lucky DC Gasoline Station na nakabase sa Mapolopolo, Basista at Umanday, Bugallon sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa pagtaya ng BIR papalo sa P3.4 billion ang hindi binayarang buwis ni Calugay sa pamahalaan.
Kabilang sa inihaing reklamo ng BIR ay ang paglabag sa ilang probisyon ng National Internal Revenue Code of 1999 gaya ng hindi paghahain ng Income Tax Returns (ITR) at paggamit ng mga pekeng BIR stamps.
Si Calugay ang itinuturong may-ari ng iligal na pabrika ng sigarilyo sa Brgy. Portic, Bugallon, Pangasinan na gumagamit ng mahigit 8,000 na pekeng cigarette stamps.