CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) Northern Mindanao na pansamantalang pinalaya ng korte ang negosyante na anak ng punong barangay sa Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos pinayagan ng korte na makapaghain ng piyansa ang akusado na si Ralph Martin Rafanan Go na nahaharap nang paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165) dahil nakunan ng halos 20 piraso ng ecstacy tablets sa loob ng paliparan ng Laguindingan, Misamis Oriental noong Nobyembre 2017.
Sinabi sa Bombo Radyo ni PDEA-Misamis Oriental Team assistant leader Ken Cardona na makipag-ugnayan ito sa kanilang legal department upang mabasa ang basehan ng korte kung bakit pinagbigyan ang motion to bail ng akusado.
Inamin ni Cardona na humina ang posisyon ng prosekusyon dahil hindi na sumipot ang kanilang dating ahente na nagsilbing arresting officer nang hinuli si Go sa Laguindingan Airport noong Nobyembre 6.
Si Go na anak ni Barangay 21 chairman Gigi Go ay naka-detain sa Misamis Oriental Provincial Jail ng ilang buwan bago ito pinayagan ni RTC Branch 44 Presiding Judge Marissa Estabaya na pansamantalang makalaya.
Una rito ang nakumpiskang party tablets mula sa akusado ay nagmula pa sa Metro Manila na pinaniwalaan ng PDEA noon na ibebenta sa kanyang mga kliyente kung saan ilan umano rito ay mga politiko sa lungsod.
Napag-alaman na ang pamilyang Go ay kilala ay mayroon ding mga pinatakbo ng mga negosyante na nakabase sa lungsod.