BACOLOD CITY – Kaagad na nahuli ng mga pulis sa North Dakota, USA ang Amerikanong pumatay sa kanyang kasintahan na tubong Negros Occidental, nitong umaga ng Lunes oras sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Bombo correspondent Rachel Grindberg mula sa North Dakota, kaibigan nito ang biktimang si Arnalyn Repalam na dumating sa US noong taong 2019.
Aniya, nag-away si Repalam at ang suspek na si Eric Venn kaya’t sinuntok ito nga suspek sa mata.
Dahil dito, nais ni Repalam na makipaghiwalay kay Venn kaya’t kanya itong kakausapin na kukunin ang kanyang mga gamit sa kanyang bahay.
Si Repalam ay inihatid pa ng kanyang mga kaibigan sa kanilang store ngunit naghihintay na pala doon ang suspek at pagbaba sa sasakyan ay kaagad nitong binaril ang Pinay.
Dinala pa sa ospital ang negosyante ngunit binawian din ng buhay.
Tumakas naman si Venn ngunit natunton ito ng Minot Police Department sa kanyang sasakyan.
Hinabol ng mga pulis si Venn at ito ay nahuli sa northeast Minot.
Sa ngayon, nakakulong ang suspek sa Ward County Jail at nahaharap sa kasong murder, tampering with evidence at fleeing police.