-- Advertisements --

Hindi na nabuhay pa ang isang negosyante ng isda matapos itong barilin sa bahagi ng Barangay Bugabunhan, Upi sa Maguindanao Norte.

Sa ulat, kinilala ang biktima na si Arlene Talib y Cuyong, 51 at biyuda at residente sa nabanggit na bayan.

Ayon sa mga kaanak nito, galing sa kanila ang biktima patungo sana sa tiyuhin nito para dalhin ang isda.

Minamaneho ng biktima ang motorsiklo nito ng tambangan ng di nakilalang gunman at binaril ng makailang beses hanggang sa natumba ito.

Dead on arrival na ang biktima sa pagamutan ng ito ay isugod roon.

Nabatid na sa tagiliran tinamaan ng bala ang ginang ng hindi pa natutukoy na uri ng baril.

Inilibing na rin kahapon alinsunod sa tradisyon ng Islam ang biktima sa tabi ng puntod ng mister nito.

Patuloy naman na iniimbestigahan ng kapulisan ang motibo ng pamamaslang dito.