-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang negosyante habang sugatan naman ang isa pa matapos mabundol ng kotse ang sinasakyang motorsiklo sa Barangay F. Simeon, Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Diomedes Sarol, 57, at ang sugatan na si Arturo Arellano, 42, kapwa residente ng Barangay GRS sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ni Sarol ang nasabing highway gamit ang kaniyang motorsiklo habang angkas si Arellano nang aksidenteng mabundol ng kotse na minamaneho naman ni Regie Jamoyo habang angkas si Renen Morong.

Dahil sa lakas ng pagkakabungo, tumilapon sa sinasakyang motorsiklo sina Sarol at Arellano, dahilan para magtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima.

Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima para sa asistensya madikal subalit idineklara nang dead on arrival ng mga doktor si Sarol.

Samantala, bulontaryo naman na sumuko sa mga nag respondeng pulis si Jamoyo at kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad para sa kaukulang disposisyon.