KORONADAL CITY – Inaalam pa ng mga kapulisan kung ano ang posibleng motibo sa pagbaril-patay sa isang negosyante at ikinasugat ng isa pang katao.
Nangyari ang nasabing insidente sa Purok Pag Asa, Rosales Extension, Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.
Kinilala ng mga otoridad ang nasawi na si Allan Benito, 43, habang ang kaniyang pamangkin ay si Datu Prince Balao, pawang mga residente ng San Vicente Street sa naturang lungsod.
Batay sa imbestigasyon ng Cotabato PNP, bigla na lamang umanong binaril ng suspek ang mga biktima habang ipinaparada ng mga ito ang kanilang sasakyan.
Idineklara namang dead on the spot si Benito matapos magtamo ng mga tama ng bala sa kaniyang mukha at dibdib, habang ginagamot naman sa ospital si Balao dahil sa kaniyang tama sa kaniyang tiyan at hita.
Narekober sa crime scene ang walong basyo ng pinaniniwalaang kalibre .45, glass tooter at P500 na pera.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang pamamaril.