-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang pagpaslang ng mga riding-in-tandem suspects sa negosyante ng baboy sa lungsod ng Bacolod nitong Martes ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Jonito Pastrana, station commander ng Bacolod Police Station 9, ang biktima ay kinilalang si Randolf Domingo, 37-anyos, residente ng Barangay Singcang Airport nitong lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon na bumili ang biktima ng baboy sa Cauayan, Negros Occidental at pabalik na sana sa Bacolod ngunit huminto ito sa Araneta Street, Purok EZ Yulo, Barangay Sum-ag upang umihi sa gasoline station.

Pabalik na sana ang negosyante sa kanyang sasakyan nang pinagbabaril ito ng mga suspek na sakay sa motorsiklo habang siya ay tumatawid sa daan, pasado ala-1:00 ng hapon.

Dahil sa tama sa ulo, kaagad na namatay ang biktima.

Ayon sa hepe, patuloy pa ang imbestigasyon ng Police Station 9 upang matukoy ang motibo sa krimen.

Hindi naman isinasantabi ng mga pulis na may kaugnayan sa iligal na druga ang krimen dahil nahuli si Domingo sa buybust operation sa Barangay Banago noong taong 2018.