DAVAO CITY – Binaril-patay ang negosyanteng Egyptian national sa lungsod ng Digos, Davao del Sur.
Nakilala ang biktima na isang Haitham Ramadan Hamed Abdel Rady, 31-anyos, nakatira sa Purok Chico Jumao-as St., Brgy. Zone I, Digos City.
Ayon kay P/SSgt. Earl Cryz Guarino, dakong alas-1:20 ng Lunes ng madaling araw, pauwi na sana sa kanilang bahay ang biktima sakay ng motorsiklo habang angkas ang buntis na menor de edad na kinakasama nito.
Sinundan umano ng nakamotor din na dalawang hindi pa kilalang mga suspek.
Nagtangka pa raw ang biktima na tumakas ngunit nasundan ito ng suspek at binaril ng tatlong beses.
Nang masigurong patay na ang banyaga, kaagad na tumakas ang mga suspek.
May persons of interest na raw ang Digos City Police Station matapos malamang isa sa mga katulong nito ang sinampahan niya ng kaso makaraang magnakaw ng pera mula sa biktima.