BUTUAN CITY – Nasampahan na ng kaso sa pamamagitan ng inquest proceedings ang negosyanteng Chinese na nahuli matapos ireklamo ng pangongopya ng trademark ng isang local businessman sa Surigao City.
Kinilala ni National Bureau of Investigation (NBI) Caraga regional director Mario Minor ang suspek na si Andy Smith Gambo Yap na kilala ring si Zhang Maoying, 28-anyos, binata at proprietor ng Smith Rice Trade Store sa may Sarvida St., Barangay Taft ng naturang lungsod.
Ayon kay Minor sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, mga kasong paglabag sa Section 165 at 168 sa Republic Act 8293 o mas kilalang Intellectual Property Code of the Philippines partikular ang entrenchment of trademark ang kanilang isinampang kaso laban sa suspek.
Ito’y matapos makuha mula sa kanyang puwesto ang 400 sakong bigas na may trademark na Square Line.
Isinagawa ang operasyon matapos magpositibo ang kanilang test buy nang magreklamo ang negosyanteng si Michael Galo,general manager ng Hervick Agro Industrial Corporation, na nangongopya ng trademark sa kanyang negosyo na hindi humingi sa kanya ng pahintulot.