-- Advertisements --
IMG 20200128 150458

Umaasa ngayon ang isang negosyante na agad uusad ang kanyang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos mabulilyaso ang application nito sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Napag-alaman ng Bombo Radyo ang reklamo ni Marichi Ramos sa inaplayan nitong license to operate para magpatakbo ng “Bingo Block Out” na nasa ilalim ng pamamahala ng PCSO.

Lumalabas na nakapagbigay na ito ng P160 million cash at P100 million na halaga ng cheke sa mga taong kanyang nilapitan partikular sina Eduardo Diokno Eje, Johnson Borja See at Chairman Anselmo Simeon Pinili pero nang tumawag ito sa bagong general manager ng PCSO ay sinabing palsipikado raw ang kanyang aplikasyon.

Dahil dito, hiniling na lamang ng PCSO na muling mag-apply si Ramos pero lumalabas na hindi pa rin ito puwedeng mag-operate.

Maliban sa kanyang reklamo patungkol sa aplikasyon sa PCSO ay nakakatanggap na rin umano ito ng pagbabanta sa buhay maging sa kanyang pamilya.

Sa panig ng NBI, iimbestigahan at ipapatawag daw nila ang naturang mga personalidad para sa pagtatanong.

Kapag nakitaan daw ng sapat na basehan ang reklamo ay agad isasampa ng NBI ang kaso sa Department of Justice (DoJ) at ang Justice department na ang bahalang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon kung puwedeng iakyat sa korte ang kaso.