-- Advertisements --

ILOILO CITY – Apektado ang negosyo ng chorizo kasunod ng paglamon ng meat mixer sa isang empleyado ng frozen food factory sa Brgy. Mansaya, Lapuz, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay James, vendor sa Lapaz Public Market, sinabi nito na matumal ang bentahan ng chorizo dahil na rin sa pagkabahala ng mga mamimili.

Ayon kay James, hindi maiiwasan ng mga mamimili na mangamba na baka may halong karne ng tao ang mga panindang chorizo.

Kung may bumubili man ayon kay James, binubusisi ng mga mamimili kung sino ang manufacturer ng produkto.

Ayon kay Manong Untoy, halos kalahati ang nabawas sa kanilang kita simula noong nangyari ang meat mixer accident.

Noon ayon kay Manong Untoy, umaabot sa 40 dosena ng chorizo ang kanilang maibenta sa loob ng isang araw, sa ngayon ay umaabot na lamang sa 15 hanggang 20 dosena ang nababawas sa kanilang paninda.

Kahit na naipaliwanag naman sa publiko na hindi nagiling ang katawan ng biktima sa loob ng meat mixer ngunit hindi pa rin maiwasan na magduda ang mga mamimili sa mga chorizo products sa palengke.