-- Advertisements --

CEBU CITY – Negosyo ang isa sa tinutukang anggulo sa pagpatay sa isang incumbent barangay councilor sa Brgy. Ilaya sa bayan ng Ronda, Cebu.

Ito Ay matapos na napag-alaman ng mga imbestigador na may mga negosyo ang biktimang si Ramil Abueva kagaya umano ng small town lottery (STL) Business sa kanilang lugar.

Ayon sa hepe ng Ronda Police Station na si Capt. Rodgene Fudatan, susuriin din ng mga imbestigador kung may kinalaman umano si Abueva sa illegal numbers game.

Nagmamay-ari Rin umano si Abueva ng isang agrivet supply na nakatakda sanang buksan sa bayan ng Alcantara ngayong araw.

Inaalam din ni Fudatan kung may naiinggit din ba sa mga negosyong minamay-ari ni Abueva na nagbunsod sa kanyang pagkamatay.

Dagdag pa ni Capt. Fudatan, hindi rin isinasantabi ang isyu na may kinalaman sa politika bilang isa sa mga anggulong tinututukan nila.

Samantala, stable na rin ang kalagayan ng habal-habal driver na si Magno Porgatoryo matapos itong madamay sa pamamaril kay Abueva sa naturang lugar.

Kasalukuyan itong nagpapagaling sa isang pagamutan sa Cebu City.