VIGAN CITY – Hindi ikinaila ng ilang residente sa Muslim community sa lalawigan ng Ilocos Sur na naapektuhan din ang kanilang negosyo dahil sa kumalat na di umano’y nakatakdang pagsalakay ng mga terorista sa ilang bahagi ng lalawigan.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Imam Kamal Ampa ng Muslim community sa Zone 3, Bantay, Ilocos Sur, sinabi nito na mayroon silang mga kasamahan na dalawang araw nang hindi nagbubukas ng kanilang mga stalls sa iba’t ibang public market sa Ilocos Sur, lalo na sa Vigan City public market dahil sa nasabing balita.
Aniya, maging sila umano ay natatakot sa nasabing pagsalakay at pagpapasabog ng mga terorista kung kaya maging sila ay nakabantay din sa seguridad ng lalawigan.
Nitong araw ng Linggo at Lunes ang sinasabing nakatakdang pagsalakay ng mga terorista sa lalawigan at iba pang bahagi ng Northern Luzon base sa mga kumakalat na terror threat sa social media ngunit laking pasasalamat ng mga otoridad na wala namang naitalang hindi kanais-nais na kaganapan sa probinsya.