-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa apat na magkakamag-anak sa Barangay Fabrica, Bula, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Police Major Fernando Cedo, sinabi nito na isa sa tinitingnan nilang anggulo ngayon ay ang negosyo na pagmamay-ari ni Nathaniel Patalon-an na isa sa mga namatay sa krimen.

Ayon kay Cedo matagal na umanong inirereklamo sa lugar ang negosyo nitong manukan dahil sa masangsang na amoy.

Labis umano ang galit ng mga suspek dahil halos mabali ang braso nito at tila wasak aniya ang ulo dahil sa tama ng bala ng baril.

Napag-alaman na mahigit 30 basyo ng bala mula 9mm pistol at caliber 45 na baril ang narekober ng otoridad sa lugar.

Samantala kinumpirma naman sa Bombo Radyo Naga ni Barangay Kapitan Fortunato Bascuña na matigas din daw kasi ang ulo ni Nathaniel kahit inisyuhan na ng closure order ng Environmental Management Bureau.

Sa kabila nito, hindi umano makatarungan ang ginawa ng mga suspek sa biktima at sa mga kamag-anak nito na nadamay lamang sa pangyayari.

Una rito, dead on arrival sa ospital si Nathaniel kasama ang kanyang mga kapatid na sina Rodelio, Chuchi at asawa nitong retired air force na si Orlando Baladad.