-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Isang heroes welcome ang sumalubong sa dalawang Negrense boxers na nakakuha ng gold medal sa katatapos lamang na SEA Games kasabay ng kanilang pag-uwi sa lalawigan kanina.

Paglapag pa lang sa Bacolod-Silay Airport, sina Rogen Ladon at James Palicte ay sinalubong na ng mga opisyal, mga residente at ng kanilang kamag-anak.

Dito na rin nagsimula ang motorcade nina Ladon na gold medalist sa 52-kilogram division at Palicte na kampyon din sa 64-kilogram division at nagpatuloy ito hanggang sa kanilang hometown na Bago City.

Maliban sa heroes welcome, binigyan din ng city government ng tig-P50, 000 ang dalawang boksingero.

Nagbigay din ang lungsod ng tig-P10,000 na cash incentives sa coach ng dalawa na tubong Bago City din.

Sa panayam ng Bago City Mayor Nicholas Yulo, kanilang ipinagmamalaki ang dalawang boksingero dahil ipinamalas ng mga ito ang kanilang galing upang makuha ang gintong medalya para sa Pilipinas.

Ayon kay Palicte, gagamitin niya ang kanyang P900, 000 na kabuuang cash incentives upang makapagpatayo ng bahay, habang itatago naman ni Ladon ang kanyang pera.

Nabatid na nagdagdag ang Philippine Olympic Committee ng P300, 000 na cash incentive habang P250, 000 naman ang idinagdag ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa orihinal na P300, 000 na tatanggapin ng SEA Games gold medalist alinsunod sa batas.