BACOLOD CITY – Nagbigay pugay ang alkalde ng Bago City, Negros Occidental sa coach ni Pinay boxer Nesthy Petecio na nanalo ng silver medal sa Tokyo Olympics.
Si Nolito Velasco na kuya ng Olympic silver medalist na si Mansueto ‘Onyok’ Velasco ay tubong Bago City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Bago City Mayor Nicholas Yulo, binati nito si Petecio sa pagiging pinakaunang female boxer na nakakuha ng silver medal sa Olympics.
Ngunit sa likod aniya ay ang training coach na pride rin ng Negros Occidental kaya’t pinasalamatan nito si Velasco sa pagsisikap na makamit ni Petecio ang tagumpay.
Ayon sa alkalde, magbibigay sila ng cash incentives sa coach ngunit hindi pa matutukoy kung magkano ang halaga nito.
Nabatid na tatlo ring magkakapatid na Velasco ang ipinagmamalaki ng Bago na kinabibilangan nina Boy, Onyok at Ruel Velasco na tubong Barangay Atipuluan, Bago City.
Patuloy din ang pagdevelop ng lungsod ng Task Group Boxing upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mahusay sa boksing na maglaro sa ibabaw ng ring.