-- Advertisements --
Francis Dominic Mendoza nurse ofw

BACOLOD CITY – Itinuturing ng isang Bacoleño nurse na “fulfillment” ang pagtulong niya sa mga crew ng eroplano na nagpaanak sa isang ina sa gitna ng kanilang flight noong Hulyo 9 ng madaling araw.

Si Francis Dominic Mendoza, 25, ng Barangay Tangub, Bacolod at nagtatrabaho sa Ireland ay umuwi dito sa Pilipinas noong Hulyo 7 upang magbakasyon.

Hulyo 8 nang gabi, nag-depart sa Doha, Qatar Airport ang eroplano na kanyang sinasakyan kung saan nakasama nito ang isang Pinay na buntis.

Habang nasa bahagi na ng Thailand noong Martes ng madaling araw, nag-anunsyo ang crew ng eroplano kung sino ang may medical background dahil may isang ina na manganganak.

Bilang isang nurse, nag-volunteer si Mendoza na tumulong sa pagpapa-anak sa babae.

Kasama ang mga cabin crew, nagtulong-tulong sina Mendoza upang mapalabas ang healthy baby boy.

At dahil walang mga gamit sa pagpapanganak sa eroplano, kanila na lang ginamit ang available resources.

Ayon kay Mendoza, upang masiguro ang kalagayan ng mag-ina, palagi niyang mino-monitor ang vitals nito.

Aminado rin si Mendoza na malaking hamon ang pagpapanganak sa eroplano dahil sa kakulangan ng gamit.

At dahil kinakailangan na mapatingin sa mga doktor ang kondisyon ng mag-ina, nag-emergency landing ang eroplano sa Bangkok Airport, bago lumapag sa Ninoy Aquino International Airport.

Naiwan naman sa ospital sa Bangkok ang mag-ina pero hindi na nakuha pa ni Mendoza ang mga pangalan nito.

“One in a million experience” aniya ang pagpapanganak sa isang ina sa loob ng eroplano habang nasa gitna ng flight.

Si Francis ay graduate ng University of Negros Occidental-Recoletos.