(2nd Update) Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawing pulis matapos tambangan ng mga hinihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) bandang alas-10:00 kaninang umaga sa Guihulngan, Negros Oriental.
Sa official report na inilabas ng Philippine National Police, nakumpirma na anim ang patay kabilang ang chief of police na si P/Supt. Arnel Arpon.
Dalawa naman ang sugatan na kasalukuyang ginagamot sa Dumaguete City na kinilalang sina SPO4 Jerome Delara at PO2 Jorie Maribao.
Kinilala ang lima pang pulis na nasawi sa ambush na sina: SPO2 Necasio Tabilon, PO3 Jordan Balderas, PO2 Alvin Bulandres, PO2 Alfred Dunque, at PO1 Abines Silvano.
Ayon kay PRO-18 regional director S/Supt. Romeo Mangwag, nasa 15 pulis ang rumesponde sa insidenteng pananambang sa Barangay Magsaysay kung saan target si Sanggunian Bayan (SB) member Edison Delarata.
Samantala, ayon naman kay Capt. Ronald Llanes, spokesperson ng 303rd Brigade, may isa pang sibilyan ang nasawi- ang driver ni SB member Delarita.
Dagdag pa ni Llanes na tumutulong na rin ang operating units ng 79th Infantry Battalion sa hot pursuit operations laban sa rebeldeng NPA.