VIGAN CITY – Itinaas na sa P3 milyon ang pabuyang iniaalok ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga suspek sa pananambang sa apat na pulis sa Sitio Yamot, Barangay Mabato, Ayungon, Negros Oriental nitong July 18.
Una nang nag-alok ng pabuya si Pangulong Duterte na P1.3 million pero sa kaniyang talumpati sa inagurasyon ng by-pass road sa Candon City, Ilocos Sur, sinabi nito na gagawin na niyang tatlong milyong piso ang pabuya.
Sinabi ng pangulo na hindi siya naniniwala na nagpakamatay ang lider ng grupo na pumatay sa mga pulis base sa kaniyang nakalap na impormasyon, kaya nais nito na makita o maiharap sa kaniya ang ulo nito.
Aniya, galit na galit siya nang mabalitaan ang nangyari kaya nais niyang mabigyan ng hustisya ang mga biktima dahil hindi makatarungan ang kanilang pagkamatay.
Naniniwala ang pangulo na habang nadadagdagan ang reward money para rito ay nadadagdagan din ang pressure sa mga kasamahan ng mga suspek na maaaring magtulak sa kanila upang makipagtulungan sa mga otoridad at magbigay ng impormasyon hinggil dito.
Nabatid na grupo ng New People’s Army ang itinuturong nasa likod ng pananambang na ikinamatay ng apat na pulis.