BACOLOD CITY – Kinondena ng mga opisyal mula sa simabahan sa Negros ang serye ng patayan na naitala sa Negros Oriental nitong mga nakalipas na araw.
Batay sa ulat, nasa 20 na ang kaso ng pinatay sa buong lalawigan sa loob lamang ng 10 magkakasunod na araw mula noong July 18.
Naglabas ng obligatory prayer para sa mga misa sina Bishop Gerardo Alminaza ng San Carlos City; Bishop Julito Cortes ng Dumaguete City; Bishop Patricio Buzon ng Bacolod City; at Bishop Louie Galbines ng Kabankalan City.
Inatasan ng mga naturang obispo ang hanay ng simbahan sa lalawigan na patunugin ang mga kampana tuwing alas-8:00 ng gabi bilang simbolo ng panawagan sa hustisya ng mga nasawi.
Kabilang sa mga naitalang patay sa nakalipas na mga araw ang dating alkalde ng bayan ng Ayungon; incumbent councilor at kapitan ng barangay sa Canlaon City.
Nitong Linggo nang maitala ang huling kaso ng pagkamatay sa lalawigan sa katauhan ni Ananciancino Rosalita.