-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Hihingi ang Negros Occidental Provincial Health Office ng verification mula sa Philippine Genome Center kaugnay sa resulta ng genome sequencing na isang 35-anyos na ina sa Valladolid ang pinakaunang nahawaan ng Lambda variant ng coronavirus sa Pilipinas.

Ayon kay Negros Occidental Provincial administrator Atty. Rayfrando Diaz, nagtataka ang provincial government kung paano nahawaan ng Lambda variant ang nabanggit na ina.

Ayon kay Diaz, hindi nakabyahe sa labas ng Negros Occidental ang ina at wala rin itong kaanak na umuwi mula abroad.

Nagtataka rin ang provincial government dahil negatibo sa COVID test ang lahat ng mga close contacts ng ina, kabilang na ang mga kaanak nito.

Ang Lambda variant case ay ini-refer sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital dahil manganganak na ito noong Hulyo 22.

Aniya, anim na ka oras na nakaadmit sa ospital bago lumabas ang kanyang baby boy.

Lumabas ito sa ospital nitong Hulyo 26 at sumailalim sa RT-PCR test bilang bahagi ng operating procedure ng ospital.

Matapos lumabas ang resulta na positibo sa COVID-19, inilipat ito sa quarantine facility sa bayan ng Valladolid nitong Hulyo 29 ngunit nanatili itong asymptomatic.

Ang 35-anyos na ina ay nakalabas na rin sa quarantine facility nitong Agosto 6 kasunod ng pagnegatibo nito sa confirmatory test.

Dahil dito, ipapausisa ng PHO at DOH Western Visayas kung paano nagpositibo ang pasyente dahil malabo namang mahawa ito ng nabanggit na variant.

Ang specimen ng ina ay kabilang sa 373 na mga samples na ipinadala sa Philippine Genome Center para sa genome sequencing nitong Agosto 3.