BACOLOD CITY – Magpapadala ang provincial government ng Negros Occidental ng P4-milyong cash assistance sa mga lalawigan na apektado ng Super Typhoon Rolly at Bagyong Ulysses.
Ito ay matapos inaprubahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na pinangungunahan ni Governor Eugenio Jose Lacson ang financial assistance.
Kabilang sa mga tatanggap ng tig-P1-milyon ay ang Albay, Catanduanes, Cagayan at Isabela.
Titingnan naman ng disaster council ng lungsod ng Bacolod kung magkano ang maaaring i-donate sa mga LGUs na apektado ng bagyo dahil nakasanayan na ng siyudad ang pagbibigay ng financial assistance.
Samantala, nanawagan naman ang district commander ng Philippine Coast Guard District Southern Visayas sa mga residente na nais magbigay ng donasyon sa mga biktima ng Bagyo Ulysses sa Luzon na maaaring ipadala sa PCG ang donasyon.
Ayon kay Capt. Eduardo de Luna, maaari nilang ifacilitate ang paghahatid ng donasyon sa Luzon sa pamamagitan ng kanilang sub-station at national headquarters.