Nakakatanggap na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo ng mga banta ng kamatayan o death threat bago siya brutal na pinagbabaril sa kanyang rest house.
Ayon kay Central Visayas Police Spokesperson P/Lt. Col. Gerard Pelare na isiniwalat ni Degamo noong nakaraan ang tungkol sa iba’t ibang indibidwal na nagpapadala sa kanya ng mga mensaheng pagbabanta sa kanyang buhay.
Napatay si Degamo nito lamang Sabado matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa loob ng kanyang compound sa Barangay San Isidro, bayan ng Pamplona, Negros Oriental.
Sa ngayon tinitingnan na ng isang special investigation task group kung gaano kadaling nakapasok ang mga salarin sa compound ni Degamo.
Samantala, sumasailalim na ngayon ang tatlong hinihinalang suspek sa custodial debriefing at paraffin test, bukod sa iba pang pagsusulit, at patuloy na inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng multiple murder laban sa mga suspek at 10 iba pa.
Ibinunyag din ni Pelare na may nakita silang mantsa ng dugo sa isa sa mga getaway vehicle na ginamit na natagpuan sa Bayawan City.
Gayunpaman, hindi pa nila makumpirma kung ang mga suspek ay gunmen for hire, lalo na nang may natukoy na dating miyembro ng Philippine Army.
Samantala, sinabi naman ng Department of Social Welfare and Development na walang benepisyaryo ng kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang nasaktan sa insidente ng pamamaril.
Idinagdag pa ng kagawaran na agad nitong itinigil ang pagpaparehistro “upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at magpapatuloy kapag na-clear na ng Philippine National Police”.
Bukod sa 4Ps registration, mayroon ding patuloy na pagbabayad para sa mga humihiling ng tulong medikal mula sa pamahalaang lungsod.