-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc ng Kamara ang pagkakapaslang ng pulisya sa 14 na magsasaka kamakaialan sa magkakahiwalay na operasyon sa Negros Oriental.

Sa kanilang inihaing House Resolution No. 2533, pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa sa House committee on human rights ang madugong operasyon na ikinasa sa Canlaon City, Manjuyod at Sta. Catalina noong Marso 30, 2019.

Karamihan anila sa mga biktimang sinasabing miyembro ng New Peoples Army (NPA) ay pawang mga miyembro ng iba’t ibang grupo ng mga magsasaka.

Ang mga operasyon laban sa mga magsasakang ito ay resulta anila ng Synchrinized Enhanced Managing Police Operation (SEMPO) at Oplan Sauron.

Ang localized operation na ito ay bunga naman anila ng Memorandum Circular No. 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ikinasa laban sa mga aktibista sa Samar, Negros Island at Bicol region.