-- Advertisements --

Dinala sa ospital ang aktres at businesswoman na si Neri Naig-Miranda para sumailalim sa medical evaluation matapos umapela ang kaniyang abogado sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na agad sana itong madala sa ospital.

Paliwanag ni BJMP Spokesperson Supt. Jayrex Bustinera na nailipat na si Naig sa ospital pasado 8:00pm ng gabi noong Biyernes, Nobyembre 29.

Ito raw ay alinsunod sa naging direktiba ng RTC Branch 112 na agad na madala sa ospital ang aktres sa pinakamalapit na ospital.

Dagdag pa ni Bustinera, na ayon umano sa naging court order ay hindi maaaring magtagal sa pagamutan ang aktres ng lagpas sa limang araw.

Dapat din aniya na maibalik sa pasilidad ng Pasay City Jail si Naig pagkalipas ng limang araw na pamamalagi nito sa ospital at kung wala naman aniyang nakitang maaaring ikabahala sa kalusugan nito.

Sa ngayon, wala naman aniyang dinadaing na health concern ang aktres at talagang ito ay dahil lamang sa naging hiling ng panig ni Naig.

Samantala, ,matatandaan namang naaresto sa isang event si Naig at kasalukuyang nakabilanggo pa rin sa Pasay City Jail female dormitory para sa mga kinakaharap nitong kaso na 14 counts of violation to the Securities Regulation Code na mayroong piyansa na 126,000 kada kaso at synicated estafa na isa namang non-bailable offense.

Naurong din ang arraignment nito sa susunod na taon, Enero 9 pagkatapos na maghain ang kaniyang kampo ng motion to quash.